Thursday, November 25, 2010

Matagumpay na Negosyante



Isang sales clerk noon si Socorro Perez sa Goodwill Book Store, isang maliit na shop na pag-aari ng kanyang kapatid na lalaki. Dito nga nakilala ang kanyang napangasawa, si Jose Ramos na kapatid ng kanyang hipag. Labag man sa kalooban ng kanyang mga magulang, nagpakasal siya kay Jose. Magkatuwang nilang pinagsikapang itayo ang unang National Book Store sa Avenida Rizal.

Maliit lamang ang kanilang puwesto na nasa loob pa ng tindahan ng mga kasuotang panlalaki. Kaunti lamang ang kanilang mamimili sapagkat hindi pinapansin ng tao ang pagbabasa ng mga aklat. Pagkatapos ng digmaan nakabili si Socorro ng maraming whisky sa isang Hapon. Nang dumating ang mga Amerikano, biniling lahat ang kanilang paninda. Ang salaping napagbilhan ay ginamit sa muling pagpapatayo ng National Book Store subalit sa kasamaang palad ay naabo ito ng apoy.

Taong 1945, nagtayo ng tent ang mag-asawa sa dating pwesto at muling nagbenta ng mga aklat. Sadyang malupit ang tadhana. Isa ito sa mga natangay ng baha nang bumagyo nang malakas noong 1948.

Hindi sa lahat ng oras ay nakasubsob ang tao dahil sa likod ng ulap ay naroon ang liwanag. Muli silang nakabangon. Unti-unting lumakas ang benta ng mga aklat at dito na naging abala ang mag-asawa. Tatlo hanggang apat na oras lamang ang kanilang itinutulog sa gabi. Sa araw, nagtatrabaho si Socorro bilang tindera, cashier at janitress. Kayod-kalabaw ang kanyang ginawa. Sa gabi, sa halip na magpahinga'y pag-iimpake naman ng order na aklat ang kanilang pinagkakaabalahan. Ipinadadala pa ito sa malalayong lalawigan.

Sa pamamagitan ng kanilang naipon, minabuti ng mag-asawang palakihin ang kanilang puwesto. Nakabili sila ng hulugang lupa sa Avenida Rizal sa halagang P440,000 na hinulug-hulugan sa loob ng 5 taon. Dahil sa ayaw nilang mangutang, 8 taon silang nag-impok upang makapagpatayo ng 9 na palapag sa gusali. Ito ngayon ang pangunahing gusali at tanggapan ng National Book Store sa Avenida Rizal.

Sa sipag at tiyaga, unti-unting nakamit ng mag-asawa ang tagumpay. Ayon nga sa kasabihan, "Ang pangarap ay di-mararating kung di pagsisikapang abutin."

2 comments:

Anonymous said...

tama "Ang pangarap ay di-mararating kung di pagsisikapang abutin."

Anonymous said...

uu nga tol

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved