Friday, November 26, 2010

LIWANAG SA DILIM



ni Bb. Marilyn M. Lalunio

“Bakit ganito ang buhay?” Ito ang katanungang lagi niyang naitatanong sa kanyang sarili. Naroon siya sa isang maliit na silid. Maliwanag ang ilaw subalit pawang kadiliman ang kanyang nakita, kadilimang parang sumasaklot sa kanyang katauhan upang takasan ang buhay. Isa-isa niyang binalikan ang mga naging karanasan. Naaalala niya ang hirap at pasakit ng kalooban,ang katawang pagal dulot ng kahirapan. Inisip niya ang kanyang mga pangarap.Ikinalulungkot niya ang mga pangitain tila pipigil sa katuparan ng kanyang mga mithiin sa buhay. Takot at pangamba ang kanyang naramdaman.

Nais niyang tumakas sa ganong sitwasyon. Inaninag ang karimlan kung may liwanag siyang doo’y matatanaw. Hanggang tuluyang nagdilim ang kanyang pag-iisip, nilukob ng kawalan ng pag-asa. Naibulalas ng kanyang bibig ang mga katagang “Di ko na kaya, ayoko na!” Mabilis na gumana ang negatibong kaisipan. Kinuha niya ang isang blade, at botelya ng baygon. Ipanglalaslas niya ang blade ng kanyang pulso at iinumin niya ang baygon. Subalit sa muli niyang paghawak sa mga bagay na iyon upang ituloy ang kanyang binabalak, nanaig sa kanya ang takot… hindi sa kamatayan … hindi dahil kung ano ang maaaring mangyari sa kanya … kundi ang MALAKING TAKOT SA DIYOS. Nang mga sandaling iyon…unti… unti nakakita siya ng liwanag. Biglang nakatawag pansin sa kanya ang isang Bibliya. Kinuha niya ito at binuksan. Mula sa kadiliman isang liwanag na nagniningning ang doo’y nasilayan. Ganito ang ipinahayag sa kasulatan mula sa Santiago 1:2-4,12-18:

‘Mga kapatid, magalak kao kapag kayo’y dumaranas ng iba’t ibang pagsubok, sapagkat alam ninyo na lalong magiging matatag ang inyong pananampalataya matapos ninyong pagtagumpayan ang mga pagsubok na iyan. At dapat kayong magpakatatag hanggang wakas upang kayo’y maging ganap at walang pagkukulang.”

"Mapalad ang taong nananatiling tapat, sa kabila ng pagsubok, sapagkat matapos siyang subukin, tatanggap siya ng putong. Ito’y ang buhay na ipinangako ng Panginoon sa mga umiibig sa Kanya. Huwag sabihin ninuman kapag siya’y dumaranas ng pagsubok, na tinutukso siya ng Diyos. Sapagkat ang Diyos ay hindi matutukso ng masama at hindi naman niya tinutukso ang sinuman.Natutukso ang tao kapag siya’y naakit at napatangay sa sariling pita. Kapag ang pita ay tumubo at nag-ugat, nagbubunga ito ng pagkakasala. Kapag lumala ang kasalanan, ito’y nagbubunga ng kamatayan.”

“Huwag kayong padaya,mga kapatid kong minamahal. Bawat kaloob na mabuti at ganap ay buhat sa langit, mula sa Ama na lumikha ng mga tanglaw sa langit. Hindi Siya nagbabago. Hindi Niya tayo iniiwan o binabayaan man sa dilim. Niloob Niyang tayo’y maging anak Niya sa pamamgitan ng slita ng katotohanan, upang matangi tayo at maging higit sa lahat ng kanyang nilalang.”

Matapos niyang mabasa ang mga pahayag na iyon… may kakaibang pag-asa, lakas, kagalakan, kapayapaan siyang naramdaman na di niya maipaliwanag, di niya maunawaan. Basta ang alam niya… doon… doon sa maliit na silid na balot ng kadiliman, nang mga sandaling iyon, doon niya nasilayan ang liwanag na hanggang ngayon sa kanya ay nagbibigay tanglaw upang harapin ang buhay… puno ng pag-asa, kagalakan at TAGUMPAY!

0 comments:

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved