Tuesday, November 23, 2010

Wala Akong Sala


MAGANDA PA ANG DAIGDIG

Ni Lazaro Francisco

Kabanata 13 “Wala Akong Sala”

Napansin kaagad ni Miss Sanchez ang kakatwang kilos at alingasngas ng kaniyang mga kanayon laban kina Kabo Lontoc na ibinunga ng bintang ni Aling Ambrosia na benggansa lamang ang dahilan ng pagdakip kay Lino. Upang maagap na maapula ang anumang maaaring mangyari ay iginala ng dalaga ang kaniyang paningin sa karamihan at mabanayad na nagsalita.

“Mga kanayon!” ani ni Miss Sanchez. “Huwag sana nating malimot na sina Kabo Lontoc ay napag-uutusan lamang! Tumutupad lamang sila sa kanilang tungkulin! Batas at bayan ang kanilang panginoon, at tayo’y bahagi ng bayang pinaglilingkuran nila!”

Sa ilang katagang iyon ng punung-guro, ang may maiinit na ulo sa kanilang paligid ay para namang nasubhang bigla ng malamig na tubig. Ang mga umirap sa kabo ay tumahimik na at ngumiti pa ang ilan.

“Ito pa, Miss Sanchez,” himig pasintabing wika ni Kabo Lontoc, “ang isa sa malulungkot na tungkulin namin! Nguni’t kung hindi namin tutupdin ito ay bababa ang tingin sa amin ng bayan at baka wikain pang alangan kami sa aming uniporme!”

Tumangu-tango si Miss Sanchez, nguni’t hindi nagsalita.

“Ipinakikiusap ko sana sa kanila, Miss Sanchez,” pakli naman ni Villas na tinukoy sina Kabo Lontoc, “na, yayamang hindi pa naman gaanong tiwasay ang panahon, at yayamang marami pa rin naman ang nakikita nating nagkalt doon at dito na nakagawa ng lalong malulubhang paglabag sa batas nguni’y ni di pa man lamang yata kamalak-malak na isakdal at hulihin kung kaya nakapanunungkulan pa ang iba at ang iba nama’y patuloy na nakapamamayagpag sa gitna ng bayan, ay maano sanang ipagwalambahala na muna nila ang pagdakip na ito kay Lino at maging parang balato na nila sa atin ang kanilang pagpapaumanhin, na anupa’t palabasin na lamang na hindi nila natagpuan si Lino dito saan man. Nasabi ko pa nga na kung kailangan lamang na palayuin na muna rito ang mag-amang Lino at hindi maluwag na magawa natin iyon, huwag na lamang sanang dakpin ngayon dito ang ama, alang-alang sa kabutu-butong anak na musmos pa’t walang sinomang maaaring sulingan kahit na isang malayo nang kamag-anak!”

Malungkot na yumuko si Miss Sanchez at nagpatuloy sa di rin pagkibo.

“E… ano ang sagot sa inyo, Mr. Villas?” tanong ni Miss Lavadia.

“Tama rin naman ang isinagot nila sa ‘kin,” ang patuloy na salaysay ni Villas na naging tugon na rin sa tanong ni Miss Lavadia. “Kung magkakagayon daw ay kailan pa kaya masisimulan ang pagpapatupad sa mga batas sa kapakanan ng kapayapaan at kaayusan?”

“Saka,” sudlong ni Kabo Lontoc, “ kung hindi man kami ay marami pa rin namang ibang mauutusang dumakip sa dinarakip namin at baka, kung inaalat, maging dalus-dalos pa sa pakikitungo sa inyo at sa dinarakip!” Luminga-linga ang kabo at tumanaw sa mga kasamang kawal, saka hinarap si Villas. “Gagabihin kami, Mr. Villas!”

“Sandali lamang, Kabo Lontoc,” Hadlang ni Miss Sanchez. “Maaari bang bigyan ninyo kami ng kaunting panahong makausap muna namin si Mang Lino?”

“Aba, opo, Miss Sanchez,” payag kaagad ng kabo. “Kausapin na ninyo. Hindi kami maiinip.”

“Salamat,” tanging nasabi ni Miss Sanchez na tumalikod na upang lumapit sa mag-amang Lino.

Saglit munang tinaya ni Miss Sanchez ang anyo ng pag-uusap ng mag-ama. Ibig sana niyang igalang ang mga huling maseselang sandaling yaon ng kanilang pag-uusap. Nguni’t maikli na ang panahon. Kaya nga, napilitan nang lumapit ang dalaga na naging maingat naman at marahan. Sinundan siya ni Miss Lavadia at ni Aling Ambrosia.

Buung-buo manding nakapako naman yata ang isip ni Lino sa mga bagay na sinasabi at itinatagubilin sa anak kung kaya nakalapit at sukat sina Miss Sanchez sa may likuran ng takayad nang di niya napansin, gayong manipis at butas-butas na ang dingding ng takayad. Patuloy si Lino sa banayad na pagsasalita at sa tinig na malinaw, marahan, at walang pangamba.

“Muli’t muling sinasabi ko sa iyo, Ernesto, na tibayan mo sana ang loob mo,” anang tinig ni Lino na halos nanuot sa kaluluwa ni Miss Sanchez at ng dalawang kasama. “Mag-aral kang magpakalalaki, kahiman bata ka pa. Itanim mo sa puso mo na wala akong sala, pagka’t iyan ang totoo. Umasa kang magbabalik ako, pagka’t may katarungan pa naman sa puso ng tao, marahil. At kung wala man, umasa ka ring magbabalik ako Ernesto. Hahanapin kita saanman, anoman ang mangyari, gaya rin ng ginawa kong paghahanap sa iyo noong sanggol ka pa. Hindi pa nasira ang anomang sinabi ko sa iyo, Ernesto, hindi ba?

Tumigil sandali si Lino sa pagsasalita. Si Miss Sanchez, gaya rin nina Miss Lavadia at Aling Ambrosia, ay patuloy sa matahimik na pagkakayuko habang nakikinig. Isa man sa kanila ay walang nangahas na sumilip man lamang sa anyo ng mukha ni Ernesto.

“Wala akong mapaghahabilinan sa iyo kundi kay Aling Ambrosia,” patuloy ni Lino sa tinig na nabasag nang bahagya. “Magpapabait ka. Mag-aral kang makisama sa kanila, at sa lahat ng tao. Maging magalang ka at matapat na lagi. Huwag kang hihiwalay sa nalalaman mong mabuti, kahit ka mamatay. Naniniwala akong may langit at impiyerno sa kabilang buhay. Nguni’t gumawa ka ng mabuti, hindi sapagka’t may langit kundi sapagka’t mabuti ang mabuti. Huwag kang gagawa ng masama, hindi sapagka’t may impiyerno, kundi sapagka’y masama ang masama. Iyan lamang ang nakikilala kong landas para sa mga taong may dangal at may kahihiyan!”

Pamuling tumigil si Lino sa pagsasalita. Mabilis na tumatakas ang oras at ibig niyang makimis ang lahat ng dapat ang sabihin. Mapapansing dinampi-dampian ni Miss Sanchez ng panyo ang kaniyang mga mata. Nagpatuloy si Lino sa pagsasalita.

“Huwag kang mawawalan ng pananalig sa Diyos, Ernesto! Iyan lamang, sa mga bagay na dati kong pinaniniwalaan, ang tanging di ko ibig na mawala pa sa akin. Sa Kaniya mo hihingin ang lahat ng iyong ibig. Sa Kaniya mo idadaing ang mga sakit ng loob mo. Sa Kaniya ka hihingi ng lunas kung ikaw ay may karamdaman. Sa Kaniya ka tatawag kapag nawawalan ka ng pag-asa. Sa Kaniya ka dudulog kung nakararamdam ng pangungulila ang puso mo sa isang magulang o sa isang kamag-anak o sa isang kaibigan!”

Muli pa na namang huminto si Lino sa pagsasalita. Suminghot si Miss Sanchez at tila panabay na humikbi sina Miss Lavadia at Aling Ambrosia, ngunit hindi pa rin sila napansin ng mag-ama.

“Gaano kaya katibay ang puso mo, Ernesto?” ang tanong ni Lino at masusing minasdan ang mukha ng anak. “Kung hulihin na ako ilakad, maipangangako mo sa akin, Ernesto na di ka iiyak? Maipangangako mo ba ‘yan sa akin, anak ko?”

Noon pa lamang napilitan nang silipin at masdan ni Miss Sanchez ang mukha ni Ernesto. Nakita niyang kumurap-kurap ang bata sa pagkatingalang nakatitig sa mukha ng ama; makalawang Iumunok; kumurap-kurap na muling tila nahihilam; kuminig-kinig ang mga labi, at humikbi-hikbi sa pagpipigil manding huwag siyang mapasigaw. Nguni’t namalisbis lamang ang luha sa kaniyang mga pisngi at di nakapangako.

“Ernesto!” ang malungkot na tawag ni Lino. “Mapait man sa loob ko’y tikis na sinanay kita sa hirap para magkaroon ka ng matibay na puso at matatag na loob. Bakit ka lumuluha? Sa pagkakasala lamang, sa pagkabulid lamang ng masama, nararapat malaglag ang luha ng isang tunay na lalaki. Hindi sa gaano man kalaking kasawian at mga kaapihan!”

Mabilis na pinahid ni Ernesto ng kaliwa niyang bisig ang luha sa kaniyang mga mata, at muling panatag na iniharap ang mukha sa nahahambal na ama. Si Aling Ambrosia ay napilitang tumalikod. Tumagilid lamang si Miss Lavadia na tila di na makagalaw. Isinubsob naman ni Miss Sanchez ang kaniyang mukha sa dalawang palad at tikis na hindi kumilos. Kailangang igalang ang maseselang mga sandali yaon sa mag-ama.

“May isang tanging alaala na iiwan ko sa iyo, Ernesto,” aniyang muli ni Lino sa tinig ng isang tahasan nang pamamaalam. “Ito’y alaalang bigay sa akin ng iyong ina! Sa pakikilaban sa Bataan; sa pagkapiit sa Kapas; sa pamumundok namin bilang mga gerilya; sa malaong pakikipagsapalaran natin sa Maynila hanggang sa mga sandaling ito, ang alaalang ito’y hindi nawalay sa katawan ko saglit man!” Dinukot ni Lino sa kaniyang lukbutan ang isang kalupi at inilabas mula sa isang tanging pitak nito ang isang munti at manipis na krusipihong aluminyo na may nakapakong larawan ng Kristo. “Ingatan mo ito at pakamahalin alang-alang sa nakalarawa, sa iyong ina, at sa akin!” Hinagkan muna ni Lino ang krusipiho bago hinawakan ang kamay ng anak at inilagay iyon sa lahad na palad. “Maraming pagkakataong iniligtas ako nito sa panganib. Gayon ang naging paniniwala ko, Ernesto. Di mamakailang sa gitna ng malulupit na pangangailangan natin sa Maynila ay dinalanginan ko iyan at ako’y dininig. Naging mabisang tulay iyan ng mga dalangin ko sa Diyos!” Binitiwan na ni Lino ang kamay ng anak.

“Itay!” tawag ni Ernesto sa kumikinig na tinig at di itinikom ang palad na kinasasalalayan ng krusipiho. “Ayokong kunin ito sa iyo! Ibig kong makaligtas ka, Itay! Ayoko, ayoko, Itay!”

“Ernesto!” ang tawag ng ama sa di-natitigati na tinig. “Ikaw ang laong mangangailangan niyan! Higit na mahaba ang panahong tatahakin mo pa sa buhay, anak ko! Alanganin nang lubha ang haba at kulay ng mga araw sa aking harapan!”

Pag buhay ka lamang, Itay, hindi ako maaano, hindi ako matatakot! Oo, Itay! Maski hindi na ako kumain, Itay!”

“Ernesto!” ang mairog na tawag ng ama. “Hindi mo pa nauunawaan ang hiwaga ng buhay! Sundin mo ang sinasabi ko sa iyo. Ingatan mo at pakamahalin ang alaalang iyan ng iyong ina!”

“Itaaay!” tutol pa rin ni Ernesto.

“Ipinakikiusap ko sa iyo, anak ko!”

Hindi na nakatutol si ernesto. Dahan-dahang iniunat ang naginginig na mga daliri; inilahad ang palad at pinakatitigan ang krusipiho na sa mga mata’y nunukal ang luha; at, sa simbuyo mandin ng di mapaglabanang hinagpis, isinubsob ng bata ang kaniyang mukha sa krusiho at pasigaw na aniya:

“Diyos ko po! Si Itay ko po!”

Tahasan nang umiyak si Miss Lavadia. Humagulgol si Aling ambrosia. Si Miss Sanchez ay pasugod na lumapit kay Ernesto at niyakap ito, saka basa ng luha ang mga matang humarap kay Lino.

“Miss Sanchez!” ang magalang na bati ni Lino bago nakapagsalita ang dalaga. “Tila kayo anghel na nakikita namin kapag may dalita!”

“Mang Lino!” tawag ni Miss Sanchez sa tinig na tigib ng panggigipuspos. “Mang Lino!” ang pamuling tawag. “Hindi ko kailangang malaman kung bakit kayo hinuhuli! Nguni'’ ibig kong ipakiusap sa inyo, kung may tiwala kayo sa akin, na sa akin na sana maihahabilin si ernesto!”

“A! Nasa gipit na katayuan kami, Miss Sanchez,” ang marahang tugon ni Lino. “Isang kapalaluang tanggihan ko ang isang matapat na pagkakawanggawa! Opo, Miss Sanchez! Inihahabilin ko siya sa inyo. Maging sa anomang kalagayan siya maturing ay tatanawain kong utang-na-loob sa buong buhay ko!”

“Aariin ko siyang akin, Mang Lino! Pagpapalain ko! Papag-aaralin ko! Magiging kapatid siya ni Erni, na isa ring ulila. Sisikapin kong matanim sa puso at isip niya ang mga aral na aking narinig. Buung-buo na makukuha ninyo siya sa akin sa anomang sandali na maibigan ninyo!”

“Salamat, Miss sanchez! Hindi ko kayo malilimot kailanman. Magiging panata ko, mula ngayon, ang pagsisikap na makaganting-loob sa inyo. Nguni’t iiwan ko sa inyo ang isang kataga, na isinasamo kong paniwalaan sana ninyo!”

“Opo! Sabihin ninyo, Mang Lino!”

“Wala nang panahong maisalaysay ko pa ang mga tunay na nangyari,” ani ni Lino. “Balang araw ay malalaman din ninyo kaypala ang lahat ay lahat. Ngayo’y wala akong tanging sasabihin sa inyo, Miss Sanchez, kundi ‘Wala akong Sala’!”

“Naniniwala ako sa inyo, Mang Lino,” ang madaling tugon ni Miss Sanchez at bigay na bigay na tumitig sa kausap.

“Anoman ang mangyari; anoman ang kahantungan; at, anoman ang sabihin ng mga tao, ay naniniwala ako ngayon pa, at maniniwala ako kailanman, na wala nga kayong sala, Mang Lino, pagka’t gayon ang sinabi ninyo sa akin! Hindi iyan lamang. Idadalangin namin ang iyong kaligtasan. Pumanatag kayo, at huwag ninyong alalahanin si Ernesto.”

“Miss Sanchez! Hindi ko malirip kung paanong naging marapat ang kaliitan namin sa inyong pagtingin. Gayonma’y paniwalaan ninyong buhay ko man ibibigay nang dahil sa inyo!”

Bago nakapagsalita ng anoman si Miss Sanchez, si Lino ay mabilis na yumukod at humalik sa dahon ng pamaypay na anahaw na nakabitin sa kamay ng dalaga. Napayuko si Miss Sanchez at nagbuntunghininga.

“Ernesto!” ang malungkot na tawag ni Lino sa kaniyang anak. “Maiiwan kita kay Miss Sanchez. Magpapakabait ka at maging masunurin. Babalik ako sa iyo, anak ko!”

Pasugod na yumakap si Ernesto sa kaniyang ama na tilla di makapangusap. Niyakap siya nang buong higpit ni Lino at hinagkan nang hinagkan.

Sa-lalapit na noon si Kabo Lontoc at si Estanislao Villas. Kasunod nila ang isang maalikabok na jeep na pinalalakad ng isa sa tatlong kawal na lulan. Sa hudyat ng kabo, isa sa mga kawal ang bumaba at naglabas ng esposas.

“Utang-na-loob, Kabo Lontoc,” ani Miss Sanchez at lumapit sa kabo, “huwag ninyo silang kabitan ng esposas. Sinasagutan ko sa inyo na hindi sila tatakas!”

“Kasama akong mananagot, Kabo!” susog naman ni Villas.

“Kami man, sagut din!” ang halos sabay-sabay na pakli naman ng marami.

“Kung may balak man lamang na magtago ‘yan, hindi rito sa Pinyahan titira ‘yan nang lantaran!” ang palabi at patalilis na wika ng isang matandang babaing may pandudurang nagluwa sa sapa. “Pwe!”

“Marangal na tao ‘yan, kahit na ganyan lang sa tingin! Sabad ng isang matandang lalaki na umingus-ingos.

“Bakit ba di magtago, kundangan, gayon pala’t dapat sagutin?” sumbat ng isa pang matandang lalaki. Di kaya nakikitang ‘yun lang hindi nagtatago ang siyang dinadakip?”

“E, kung gayon,” ani ni Kabo Lontoc, matapos mag-isip sandali. “”Private Gorospe!” baling sa may hawak na galang. “Ibulsa mo na lang ‘yang bastus na posas na ‘yan! Hindi kailangan ‘yan,” aniya pa at binalingan si Lino.”Paano, kaibigan?”

“Sasama ako sa inyo,” ani ni Lino na malungkot nguni’t payapang humarap sa marami. “Kung minsa’y kailangan din pala ang isang kasawian para maunawa ng tao na may halaga pa siya sa kaniyang kapwa! Salamat sa inyong lahat! Sa mga utang-na-loob namin sa inyo,” aniya pa at malungkot na tumingin kay Ernesto, “ ay iiwan kong sangla sa inyo ang aking anak!”

Pinagkabilaang akbayan ni Miss Sanchez at Miss Lavadia si Ernesto. Walang kaimik-imik na nakatitig ang bata sa mukha ng kaniyang ama.

Sa malakas na pag-alon ng dibdib ng bata, sa mahigpit na pagkakatikom ng kaniyang mga labi at sa mga matang itinititig na pilit bagaman labis na nahihilam ay dagling masisinag ang malaking nais na makapag-anyong matibay sa paningin ng kaniyang ama sa kabila ng matinding simbuyo ng hapis.

Malayo na ang sasakyang nilulunan ni Lino ay nasa gayong anyo pa rin si Ernsto. Walang kurap na nakatitig sa malayo. Tila walang nakikitang anoman sa natatanaw. Parang walang nararamdaman, ni naririnig, sa kaniyang paligid. Waring nasaid ang luha sa tindi ng dusang kumuyom sa dibdib.

“Ernesto!” ang nahahambal na tawag ni Miss Sanchez sa pagkakatitig sa mukha ng bata. “Bayaan mong malaglag ang mga luha mo! Sulong umiyak ka! Makagiginhawa ‘yan sa dibdib mo!”

“Siyanga, Ernesto!” tigib-lunos na udyok ni Miss Lavadia.

Tiningala ni Ernesto si Miss Sanchez at si Miss Lavadia. Nakita ng dalawa na may namuong luha sa mga mata ng bata, na biglang yumuko at humikbi-hikbing halos mapugtuan ng hininga.

“Ernesto!” ang masuyong tawag ni Miss Sanchez sa umiiyak na tinig. “Tibayan mo ang loob mo! Talagang ganyan ang buhay! Maraming pagsubok! Maraming pagtitiis! Nguni’t umasa kang hindi ka pababayaan! Ituturing kitang tunay na akin, Ernesto!”

“Ang Itay ko,” ang pahikbing wika ni Ernesto sa tinig na tigib ng masaklap na hinanakit, “panay siyang hirap… panay siyang pagtitiis!”

“Umasa kang liligaya rin siya, Ernesto!” ang mahambal na alo ni Miss Ernesto. “Gaya rin ng araw: may dilim at may liwanag ang buhay! … Tena na Ernesto!” yaya na ng dalaga at masuyong inakbayang muli ang bata. “Aling Ambrosia!” baling na tawag sa labandera. “Lalakad na kami. Kung may anoman sina Ernesto na dapat dalhin sa amin ay kayo na sana ang bahala!”

“Opo, Miss Sanchez!” anang labandera. Ako na ang bahala! Isama na ninyo siya!”

Isang tinging balot ng magkakalangkap na lungkot, habag at paghanga ng naiwang kanayon ang pumatnubay sa paglakad nina Miss Sanchez, Miss Lavadia, at Ernesto.

“Kaawa-awang bata!” ang sagut-sagutang wika ng marami. “Magandang lalaki, at mabait!” anang ilan.

“Talagang pambihirang babae ‘yang si Miss Sanchez,” anang isang matandang lalaki naman. “Mabuti na lamang at sa kaniya nahabilin ang bata!”

“Ba! Mang Islaw!” tawag ng isang babae na nakapansing naroon pa si Estanislao Villas. “Paano ba? Hindi ba kikilos ang ating kapisanan?”

“Iyan din nga ang iniisip ko,” ang tugon ni Villas.”

30 comments:

Anonymous said...

ANG GALING NAMAN NG FOUNDER NITO...
KASI HALOS LAHAT NG KAILANGAN NG MGA STUDENT ANDITO NA,,ESPICIALLY SA FILIPINO..

john enrico comia on December 21, 2010 at 11:30 PM said...

tnx po hehe ^^

Anonymous said...

wow.yan din ang topic namin this week pero di talaga ako mka.relate

Anonymous said...

ano ang katangian ni mang lino??

Anonymous said...

ganda ng kwento noh.ako isa mag aaral ng rafael l lazatin ganda..sana mag enjoy ang mga new generation sa mga kwento

Anonymous said...

napaka ganda ang kwentong ito, dahil ito ay kadalasang nangyari sa ating bansa. Nakaka inspire ito sa karamihan nating kapatid na mga pilipino na mga walang kasalanan at pinag husgahan. Ito ang lesson namin ngayon ito ay kwentong realismo.

Anonymous said...

hindi ko malaman kung ano ang mga katangian ng mga tauhan ang lalalim pa ng mga tagalog words...pero tnx po sa post nakatulong ng malaki...

Anonymous said...

anu pu bang pwedeng maging wakas ng mga tauhan?

Anonymous said...

ampf...
anong mahalagang ideya ang pokuis ng akda??
nid ng answers.. plz.. ASAP...

Anonymous said...

ang ganda talaga....gusto ko pang basahin ng paulit-ulit dahil sa ganda ng estorya....

Anonymous said...

wala po bang buod ito? need po namin ng buod kasi eh. Project namin :)

Anonymous said...

anoh b ang mgndang ktpusn ni2?

Anonymous said...

ano po ba magandang wakas para dito

Anonymous said...

Maganda Rito..KUmpleto!...

Anonymous said...

thank u very much po

im azumi gumi hanuel

Anonymous said...

ang ganda po tlga salamat po tlga ng mrami

lalo na kay singh

Anonymous said...

Wala ba pong buod to??^^

Anonymous said...

Thank you so much po!!! Malaking bagay sa amin yung magkaroon ng copy in advance nito..wala po kami kasing book.....

Anonymous said...

maraming salamat po..
pero tanong ko lang po..bakit nga ba ito pinamagatang maganda pa ang daigdig?

Anonymous said...

very nice! maraming salamat at marami pa din ang may concern sa mga akdang Filipino, topic po namin ito bukas, ang ganda po ng istorya kahit na isang kabanata lang, sana mabasa ko ang buong libro, keep up the good work! God Bless po!

Anonymous said...

wow.. thanks sa site na to....

Anonymous said...

sino po ba c lino..?

Anonymous said...

...tunay na napakaganda ng kwentong ito ang galing ng writer.......



kriza

Anonymous said...

wala ba itong buod???

Anonymous said...

wala po bang kabanata 14



asap

Anonymous said...

pamagat ng akda:________________________-
awtor:______________________
Teoryang:______________________________
I.tauhan/mga tauhan may pagkakakilanlan
____________________-
II.suliranin ng kwento
_______________________
III.Uri ng tunggalian
________________________________
IV.Genre ng panitikan
__________________________________________
V.buod.lagum
________________________________________
VI.Aral
_____________________________________
VII.mensahe
______________________________________________
VIII.PAgsusuri ayon sa teorya
___________________________________________________

paki sagot lang po sent lang sa fb antoy_atis@yahoo.com please

Anonymous said...

bukas na ang pagpas ni2

Anonymous said...

tama ka jan loves

Anonymous said...

ang napagbintangan at ang tatay ni ernesto

Unknown on February 9, 2013 at 8:27 PM said...

magkasama po ba sina villas at lontoc nung dinakip si lino??? saka nasaan sila nung time na “Mga kanayon!” ani ni Miss Sanchez. “Huwag sana nating malimot na sina Kabo Lontoc ay napag-uutusan lamang! Tumutupad lamang sila sa kanilang tungkulin! Batas at bayan ang kanilang panginoon, at tayo’y bahagi ng bayang pinaglilingkuran nila!”??? sa labas ng bahay??? saan poh??? plsss tnx

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved