Tuesday, November 23, 2010

TIMAWA



(Kabanata 1)

ni Agustin Fabian

Sabado noon at mag-iika-pito ng gabi. Si Andres Talon, na isang mahirap na estudyante, ay kasakuyang naghuhugas ng mga pinggang kinanan sa ladies dormitory, sa isang unibersidad sa Amerika. Ito lamang ang paraan upang makapagpatuloy siya ng pag-aaral sa kolehiyo ng medisina. Nakatali sa kanyang baywang ang isang tapi at nakalilis ang mga manggas ng kanyang kamisadentro. Nangingintab sa pawis ang kaniyang kayumangging mukha. Ang bula ng sabong nakababalot sa kanyang mga matipunong bisig ay umabot sa siko.

Mabilis ang kaniyang paggawa at wala siyang aksayang kilos. Mahihinuha na lubhang sanay si Andres sa gawaing ito.

“Mukhang tapos ka na, Andy? Ngayon lamang ako nakakita ng ganyan kabilis magtrabaho,” basag ni Alice na siyang tagapangasiwa sa mga gawain sa kusina ng dormitoryo.

“Lalo na kung napupuri lalo akong bumibilis,” nakatawang sagot ni Andres.

“Wala na naman yata si Bill?” tanong ni Alice na lumapit sa Pilipino at nagsimulang tumulong dito.

Si Bill ay katulong ni Andres sa paglilinis ng mga kasangkapan sa kusina. Maluwat nang magkaibigan sina Bill at Andres.

“Maaantala raw siya. Dala sa sine ang bata niya, e. Hindi na bale, matatapos ko na naman ito.”

Dumating na humahangos si Bill. Lagi nang humahangos ito. Inihagis ang sombrero sa sabitan at naghubad ng amerikana.

“Giliw,” birong bati niya kay Alice, “isabit mo na lamang ang aking amerikana. Inaabala mo si Andy.”

Nakatawang isinabit ni Alice ang damit ni Bill. Kumuha ng isang tapi at ibinigay sa binatang Amerikano.

“Isuot mo iyan. Iyan lang yata ang pantalon mong mahusay.”

Nagsimulang maglampaso ng baldosa si Bill at binalikan naman ni Alice ang pagtulong kay Andres.

“Saan ka ba naging dalubhasa sa mga gawain sa kusina?” tanong ni Alice kay Andres.

“Sabihin mo nga, Andy”, udyok ni Bill.

“Ang simula ay sa amin. Ako ang tagahugas ng pinggan. Hindi mahirap iyon. Iilan lamang naman ang aming pinggan”, nakatawang simula ni Andres. “At madalas na itinataob ko na lamang ang mga pinggan nang di hugas.”

“Nagkakahawig pala ng kalokohan, maging ang mga batang Amerikano o Pilipino,” ani ni Alice.

At isinalaysay ni Andres na, wika nga, ay palagay ang loob niya sa kusina. Labing-anim na taon siya nang mamatay ang kaniyang ama at lubusang maulila. Katatapos lamang niya ng intermedya. May kamag-anak naman siyang isang kusinero sa isang bapor na nagyayao’t dito sa Amerika at sa Pilipinas. Sumama siya.

“At anim na buwang singkad akong tagapagmasahe ng mga pinggan, kubyertos, at mga lutuan sa bapor. Kaya hindi kayo dapat magtaka na ako’y eksperto sa mga gawaing iya”, tapos ni Andres.

“Usisera ka rin lamang, Alice”, ang biro naman ni Bill, “ang mabuti, itanong mo kay Andres kung anu-ano ang naging karanasan niya dito sa Amerika.”

“Sige nga,” sang-ayon kapagdaka ni Alice. “ Linggo rin lamang bukas. Hindi baleng tayo’y mapuyat.”

“Alam ninyo”, ani ni Andres na nagpapahid na ng kamay, “ako ay may pagkahampaslupa.”

“Teka, teka”, hadlang ni Bill. “Ilalabas ko muna itong basura. Ibig kong marinig uli iyan.”

Nang bumalik si Bill ay nakaupo na si Alice at Andres. Bumatak siya ng isang silya at nakiumpok sa dalawa.

“Ngayon, simulan mo na”, sabi ni Bill na humilig mabuti sa kaniyang upuan.

“Saan ninyo ako gustong magsimula?”

“Nang dumating ka dito sa Amerika”, tugon ni Alice.

Sa San Francisco bumaba si Andres at ang paghuhugas ng pinggan ang unang naging hanapbuhay. Naging manggagawa sa iba’t ibang bayan ng California. Namitas ng mansanas sa Oregon at Washington. Dalanghita sa florida. Lalo na raw siyang umitim sa taniman ng kamatis, letsugas, repolyo, at iba pang mga gulay. Naging serbidor sa mga restawran. Naging utusan. Naglingkod sa salmunan sa Alaska. Nagpatag ng bato sa daang-tren sa Nevada.

“Alin sa mga karanasan mo ang bumago sa takbo ng iyong buhay?” tanong ng dalagang Amerikana.

Hindi kaagad tumugon si Andres. Tila tinitimbang niya sa marami niyang karanasan ang pinakatampok. Ang totoo ay nag-aalangan si Andres na sariwain pa ang malungkot na bahagi ng kaniyang buhay.

“Halimbawa”, untag ni Alice, “bakit mo naisipan ang mag-aral? Bakit mo iniwan ang paglalagalag?”

“Hindi nangyari sa Amerika ang karanasang bumago sa takbo ng aking buhay,” sa wakas ay sinabi ni Andres. “Doon sa amin sa Pilipinas nangyari ito.”

“Paano?” sabad ni Bill.

“Magsasaka ang aking ama. May isang kaugalian sa amin”, patuloy ni Andres. “Kung pista ng bayan, ang lahat ng magsasaka ay pumaparoon sa malaking bahay ng may-ari ng lupa at tumutulong sa karaniwang malaking handaan doon. Nagsisipagsaing, nagsisibak ng panggatong. Nagpapatay ng manok, baboy, kambing, at baka. Sabihin pa, ang lahat ng tumulong ay doon kakain.

“At isang pista nga ay isinama ako ng aking ama upang tumulong sa may-ari ng lupang aming sinasaka. May labintatlong gulang ako. Nang nagkakainan na ang mga nanunulungan ay dumating ang donyang asawa ng aming kasama, at pinagmumura ang mga nagsisikain. Hindi pa raw natatapos kumain ang mga panauhin sa itaas ay inuuna na raw namin ang aming mga bituka. Lubha raw kaming mga timawa.

“Hindi ko kaagad naunawaan ang aking narinig,” patuloy ni Andres. “Noong papauwi na lamang kami at sabihin sa akin ni Amang ang kaniyang pagdaramdam, noon ko lamang lubos na naunawaan ang kahulugan ng salitang timawa.

Sinabi sa akin ni Ama na pagbutihin ko ang aking pag-aaral upang huwag kong sapitin ang kaapihang ganoon. Kung ako raw ay lalaking magsasaka at hindi akin ang sasakahing lupa, ay ganoon din ang aking kapalaran. Aalimurain ng mayaman. Ang isang timawa, ay higit na pangit kaysa gutom. Ang timawa raw ay kahalintulad ng isang aso. Sagpang nang sagpang. Huwag daw akong mag-aksaya ng panahon. Gagawain niyang lahat ang kaniyang makakaya upang ako matuto.”

“Kay buti ng iyong ama”, ani ni Alice.

“Halos ang gabi ay ginagawa niyang araw,” dugtong pa ni Andres. “Ibig niyang makaipon. Ang adhika niya ay maging isang manggagamot ako.”

Huminto muna si Andres sa kaniyang pagsasalaysay. Nakatingin siya sa malayo na waring nakikiyang muli ang kaniyang ama. At pagkatapos ng ilang sandali ay napatuloy na naman sa pagsasalita.

“At nang ako ay nakatapos sa intermedya ay gayon na lamang ang galak niya. Ngunit ang humalili sa kagalakang iyan ay malagim na kalungkutan. Si Ama’y inabutan ng ulan isang tanghaling siya ay nagbubungkal ng lupa. Nagkasakit siya. Pulmonya. At . . . at . . . namatay.”

Dinampi ni Alice ang kaniyang mata ng hawak niyang panyolito. Tumindig si Bill. Lumapit kay Andres at pinisil ang balikat ng kaibigang Pilipino.

“Maupo ka, Bill”, sabi ni Andres. “Hindi pa ako natatapos.”

Naupong muli si Bill, at muling nagsimila si Andres.

“Naubos na lahat,” aniya, “ang kaunting naiipon ni Ama. Ulila na akong lubos ay wala pa ni isang sentimo. Subalit isinumpa ko sa aking sarili, sa harap ng bangkay ng aking ama, na ako ay pilit na mag-aaral, at ako ay magiging manggagamot. Hahanapin kong pilit ang tagumpay na siyang adhika niyang maging akin.”

Maluwat ring walang umimik matapos ang pagsasalaysay ni Andres. Nadama ni Bill at ni Alice ang malaking kalungkutan ni Andres. Sa wakas ay nagsalita si Alice.

“Nauunawaan na kita,” aniya.

“Lalong nauunawaan kita ngayon,” pakli ni Bill.

“Bakit? Ako ba ay naging isang hiwaga sa inyo? Tanong ni Andres at wala na sa kaniyang tinig ang pagdaramdam at kalungkutan.

“Oo, isang hiwaga ka sa akin,” tugon ni Alice. “Alam kong ikaw ay isang mabuting tao. Masipag ka. Matalino. Magalang. Nguni’t tila ayaw mong makihalubilo sa iba. Tila ayaw mong ikaw ay maabala. Ibinubukod mo ang iyong sarili. Tila may lihim kang lakad at ang lahat ng nasa paligid mo y makaaabala sa iyo.”

“Napapansin ko nga,” tudyo na naman ni Bill, “ na maluwat mo nang sinusubaybayan si Andy.”

“Ano ang masama riyan?” tanong ng dalaga. “Maluwat na nating kasama si Andy. Wari ay malayo siya. Gayung kay lapit ay kay layo. Mayroon ba namang gayung araw-araw ay nakakabungguang-balikat ay di mo matawag na kapalagayang-loob?”

“Lumalabas pa yatang malaking tao ako?” tanong ng Pilipino.

“O kaya’y dungo naman,” sundot ni Bill.

“Hindi malaking tao o dungo ang ibig kong sabihin,” paliwanag ni Alice. “May anyo si Andy na nag-uudyok sa nagmamalas na mataho kung ano siya, pinipigil ang nagmamalas na iyan naman ng isang hindi maunawaang kilos ni Andy. Tila hindi mahalaga kay Andy ang magkaroon ng maraming kapalagayang-loob.”

“Pinalalaki mo ang loob ko, Alice,” dampot ni Andres. “diyata’t ako ang pinag-aaksayahan mo ng kuru-kuro?”

“Hindi biro. Lagi kong naitatanong sa aking sarili kung bakit ibinubukod mo ang iyong sarili sa karamihan.”

“Ang karanasan ang nagturo sa akin niyan. Ang madalas na mauntog ay natututong yumuko.”

“Naku, lumalalim ang salitaan at hindi bumababaw,” hadlang ni Bill. “Ang totoo, Andy, ay ito: walang alinlangang mararating mo ang iyong patutunguhan. Ngunit mag-aliw-aliw ka naman. Mag-iibayo ang sigla mo kung sanda-sandali man lamang ay ilalayo mo ang iyong ilong sa iyong libro. Maaari ba namang ang isang malusog na gaya mo ay hindi maaakit ng mga dalaga? Hayan si Alice . . . ‘yang gandang ‘yan . . .”

“Bakit ba si Alice ang binubuwisit mo?” hadlang ni Andres. “Kahit na sa biruan ay may hangganan.”

“Tigilan mo na si Andy,” pakli ng dalaga. “At huwag mo naman akong ipag-ukulan. Ano ang malay mo kung si Andy mayroon nang itinatago,” at tumawa si Alice.

“May itinatagi si Andy?” pamanghang sabi ni Bill. “Walang maitatago sa akin iyan. Iyan ang tinatawag na nauuhaw at ayaw makiinom.”

“At kung tanggihan ng nakikiinom?” tanong ni Andres.

“Natatakot kang tanggihan kung ganoon. E, paano malalaman kung tatanggihan ka o kung hindi?” nakatawang tanong ni Alice.

Tumindig na bigla si Andres.

“Hatinggabi na, Bill”, aniya. “Mapupuyat na lubha si Alice.

“Hayan ang sinasabi ko,” pakutyang pakli ni Bill, “ang magaling na kaibigan kong Pilipino ay takbuhin. Ngayon pa lamang sumasarap ang usapan,” tudyo niya, “ay saka pa tatalilis. Tayo na. Walang mangyayari sa akin kung ang manok ko ay takbuhin.”

Naunang lumabas si Bill. Nagsuot si Andres ng kaniyang amerikana at sumunod sa kaibigan. Inihatid siya ni Alice hanggang sa pintuang may kadiliman noon dahil sa bahagya nang abutin ng liwanag ng ilaw.

“Aalis na kami, Alice. At maraming salamat sa iyong kagandahang-loob,” paalam ni Andres. “Hindi pangkaraniwang gabi ito sa akin.

Naramdaman na lamang ni Andres ang halik ni Alice sa kanyang pisngi. . .

17 comments:

Anonymous said...

May boud po ba kayo nito?

Anonymous said...

Buod.

Anonymous said...

timawa ay ibig sabihin patay gutom,matakaw, o parang aso na sagpang ng sagpang

Anonymous said...

..nabasa ko na yan sa filipino subject ko.. really nice????

Anonymous said...

nabasa ko na ito sa filipino IV namin. report pa namin. hehe

Anonymous said...

nisc

Anonymous said...

nice!!!!!!!!!!

Anonymous said...

wala akong mahanap na buod

jessa mae lazar on January 15, 2013 at 5:42 AM said...

wala akong mahanap na pangyayayri at impluwensya sa buhay ni andres

Anonymous said...

ano po ba ang suliranin ng kwento sa timawa kuya

antoy_atis@yahooo.com

Anonymous said...

pamagat ng akda:________________________-
awtor:______________________
Teoryang:______________________________
I.tauhan/mga tauhan may pagkakakilanlan
____________________-
II.suliranin ng kwento
_______________________
III.Uri ng tunggalian
________________________________
IV.Genre ng panitikan
__________________________________________
V.buod.lagum
________________________________________
VI.Aral
_____________________________________
VII.mensahe
______________________________________________
VIII.PAgsusuri ayon sa teorya
___________________________________________________


sent lang po sa fb antoy_atis@yahooo.com please kailan ko poh ng sagot

Deborah Reyes on January 27, 2013 at 4:14 PM said...
This comment has been removed by the author.
Deborah Reyes on January 27, 2013 at 4:15 PM said...

ba naman.. matuto nga kayong magbasa ng akda.. kulang na lang isubo sa inyo yan.. tapos papasagutan pa? pano kayo matututo?

Anonymous said...

nc

Anonymous said...

thank you po talaga dto nakuha ko na assignent ko puro nalang po kasi buod ung nalbas ang gusto ko nga po ng buong kwento thanks po




Anonymous said...

Kaygandang istorya. Ako'y nabitin. Ano kaya ang nangyari sa pag-iibigan ng dalawa? Oh well, haha!

Anonymous said...

Ano po ang paniniwala ni andres?
Ano rin po ang karanasan na bumago sa kanyang buhay??
Thanks po sa makasagot :) takdang aralin lang po namin sa Filipino..

Post a Comment

Followers


 

Filipino Corner. Copyright 2014 All Rights Reserved