Salin ni Lualhati Bautista
Mula sa “Rashomon” atbp. Pang Kuwento
Ni Ryunosuke Akutagawa S
UNANG BAHAGI: MONOLOGO NI MORITO
Sa pagkakatingin sa buwan habang nag-iisip, naglalakad si Morito sa ibabaw ng mga lagas na dahon sa makalabas ng bakod ng kanyang bahay:
Sumikat na ngayon ang buwan. Karaniwang hinihintay ko nang may pagkainip ang pagsikat ng buwan. Pero ngayong gabi, ang maliwanag na sikat ng buwan ay yanig na sumusindak sa akin. Kinikilabutan akong isipin na ang gabing ito ay magwawasak sa aking kasalukuyang sarili at gagawin akong isang karumal-dumal na mamamatay-tao. Isipin na lang kapag ang mga kamay na ito’y namula sa dugo! Anong kasumpa-sumpang nilalang ang magiging tingin ko sa aking sarili kapag nagkaganoon! Ang puso ko’y di mababagbag sa sakit kung papatay ako ng isang kaaway na kinasusuklaman ko, pero ngayong gabi ay kailangan kong patayin ang isang lalaking hindi ko kinasusuklaman.
Matagal ko na siyang kilala. Kahit kamakailan ko lang nalaman ang kanyang pangalan, Wataru Saemonno-jo, mula’t sapul pa’y kilala ko na ang kanyang magandang mukha. Nang matuklasan kong asawa siya ni Kesa, totoong sandali rin akong nag-apoy sa panibugho. Pero ngayon, ang panibugho ko'y napawi na, hindi nag-iwan ng anumang bakas sa aking isip o puso. Kaya para sa aking karibal sa pag-ibig, wala akong pagkamuhi o masamang hangarin. Manapa, mabuti ang isipin ko para sa kanya. Nang sabihin sa akin ng tiya ko, si Komorogawa, kung paano niya pinagsikapan at pinagsakitang makuha ang puso ni Kesa, nakadama ako ng simpatiya sa kanya. Naunawaan ko, na sa buong hangarin niya na mapangasawa ito, pinaghirapan pa niyang matutong sumulat ng tula. Hindi ko maisip na ang simple at nakababagot na lalaking iyon ay sumusulat ng mga tula ng pag-ibig, at isang ngiti ang gumuguhit sa aking mga labi sa kabila ng damdamin ko. Hindi ito ngiti ng pag-uyam; naaantig ako sa pagkamasuyo ng isang lalaki na ginagawa ang lahat para makuha ang isang babae. Posible pa rin na ang kanyang masimbuyong pag-ibig ang nagtulak sa kanyang sambahin ang minamahal kong si Kesa ay nakapagdudulot sa akin ng kasiyahan.
Pero mahal ko ba talaga si Kesa? Ang aming pag-iibigan ay maaaring paghiwalayin sa dalawang baitang, ang nakaraan at ang kasalukuyan. Minahal ko siya bago siya ikinasal kay Wataru, o iyon ang aking palagay. Pero ngayong tumitingin ako sa aking puso, nakikita ko na marami akong motibo. Ano ang gusto ko sa kanya? Siya ang klase ng babaeng kinadaramahan ko ng mga hangaring makalaman kahit noong mga panahong ako’y wala pang bahid-dungis. Kung mapahihitulutan ang eksaheradong pahayag, ang pag-ibig ko sa kanya’y hindi hihigit pa sa isang sentimental na bersyon ng motibong nagtulak kay Adan sa piling ni Eba. Malinaw ito sa mga pag-aalinlangan ko na patuloy siyang mahalin kung sakaling ang aking hangarin ay natupad. Bagamat nanatili siya sa isip ko sa sumunod na tatlong taon pagkaraang maputol ang aming ugnayan, hindi ko tiyakang masasabi na mahal ko siya. Sa kasunod na pakikipag-ugnayan ko sa kanya, ang pinakamalaking ipinagsisisi ko ay iyong hindi ko siya nakilala ng lubos. Pinarurusahan ng kawalang-kasiyahan, nahulog ako sa kasalukuyang relasyon, na gumugimbal sa akin, gayunman, alam kong mangyayari. Ngayo’y itinatanong kong muli sa aking sarili, “Mahal ko ba siya talaga?”
Nang makita ko uli siya tatlong taon pagkaraan, sa pagdiriwang na kaugnay ng pagkakayari ng Tulay ng Watanabe, ginawa ko ang lahat ng paraan para makita siya nang patago. Sa huli’y nagtagumpay ako. Hindi lang ako nagtagumpay na makita siya, kundi inangkin ko pa ang kanyang katawan na gaya ng pinapangarap ko. Sa pagkakataong iyon, ang panghihinayang na di ko siya nakilala nang pisikal ay hindi ang tanging nangingibabaw sa akin. Nang maupo ako sa tabi niya sa nababanigang silid ng bahay ni Koromogawa, napansin ko na malaking bahagi ng aking panghihinayang ang naglaho na. Malamang na ang aking hangarin ay pinahina ng pangyayaring hindi na ako malinis. Pero ang pinakapangunahing dahilan ay hindi siya ang inaasahan kong magiging siya. Nang magkakaupo kaming magkaharap, natuklasan ko na hindi siya ang imahen ng malabantayog na kagandahang binuo ko sa isip sa nakaraang tatlong taon. Malayo siya sa idolong pinakaasam-asam ko sa aking puso. Ang kanyang mukha, na makapal na nakukulapulan ng matingkad na pulbos, ay pinaglahuan na ng malaking bahagi ng dating kasariwaan at makinis na panghalina. Sa ilalim ng mga mata niya’y nakahugis ang nangingitim na guhit. Ang tanging hindi nagbago sa kanya ay ang kanyang malilinaw, bilog,maiitim na mga mata. Nang makita ko siya sa bagong paninging ito, nagimbal ako, at sa kabila ng aking damdamin ay di ko napigilang iiwas ang aking mga mata.
Kung gayo’y paano ko nagawang makipagtalik sa isang babaeng napakanipis ng pagkakabigkis ko? Una’y itinulak ako ng kakatwang kagustuhan na mapangibabawan ang dating hangarin ng puso ko. Sa pagkakaupong magkaharap, binigyan niya ako ng isang eksaheradong kuwento ng kanyang pag-ibig sa kanyang asawa. Wala siyang iniwan kundi hungkag na alingawngaw sa aking tainga. “ Mayroon siyang hambog na ideya tungkol sa kanyang asawa,” naisip ko. May hinala rin ako na maaaring ito’y tulak ng kanyang kagustuhang huwag nang pagningasin pa ang aking pagnanasa. Kasabay nito, patindi nang patindi ang dating hangarin kong ihantad ang kanyang kasinungalingan. Bakit itinuturing ko iyong kasinungalingan? Kung sasabihin ninyo sa akin, minamahal kong mambabasa, na ang sariling kayabangan ko ang nagtulak sa akin para maghinalang kasinungalingan ang kanyang pahayag, hindi ko maitatatwa ang inyong bintang. Ano’t anuman, pinaniniwalaan ko noon at pinaniniwalaan ko hanggang ngayon, na iyon ay kasinungalingan.
Pero hindi ang hangaring makapanlupig ang tanging ngumangatngat sa akin nang mga sandaling iyon. Pinamumulahan akong banggitin ito- pinangingibabawan ako ng pagnanasa. Hindi iyon basta panghihinayang lang na hindi ko nakilala ang kanyang katawan. Iyon ay hamak na kalibugan mismo na ni hindi nangangailangan na ang kabilang panig ay maging ang babaeng iyon. Marahil ay walang lalaking umarkila ng babae sa isang bahay-putahan na magiging mas hamak pa sa akin nang mga sandaling iyon.
Ano’t anuman, batay sa ganyang iba’t ibang motibo, nagkaroon ako ng relasyon kay Kesa. O, manapa, inalisan ko siya ng dangal. Bilang pagbalik sa unang tanong na binitiwan ko, hindi ko na kailangang itanong pa ngayon sa aking sarili kung mahal ko siya. Nang matapos ang lahat, sapilitang ibinangon ko siya aking mga bisig- ang babaeng ito na umiiyak na ibinagsak ang kanyang sarili. At nagmukha siyang mas walang dangal kaysa sa akin. Ang kanyang nakasabog na buhok at nagpapawis na katawan, ang lahat ay indikasyon ng kapangitan ng kanyang isip at katawan. Hindi kamaliang sabihin na simula nang araw na iyon, sa puso ko’y nagkaroon ako ng bagong pagkamuhi sa kanya. At ngayong gabi’y papatayin ko ang isang lalaking hindi ko kinamumuhian, para sa kapakanan ng babaeng hindi ko iniibig.
“Patayin natin si Wataru,” bulong ko sa tainga ni Kesa. Baliw na nga ako para gawin ang napakagarapal na mungkahing iyon. Wala sa loob na inihiga ko sa tainga niya ang nakaraang hangarin ko na hamunin ng labanan si Wataru at pagwagian ang kanyang pag-ibig. Ano’t anuman, “Patayin natin si Wataru,” bulong ko, at tiyak na tiyak na bumulong ako nang nagtatagis ang mga ngipin, sa kabila ng aking damdamin. Kapag naaalala ko ngayon, hindi ko masasabi kung ano ang nag-udyok sa akin para gawin ang padalus-dalos na bagay na iyon. Ang tanging naiisip ko bilang paliwanag dito ay ginusto kong tagpian ang relasyon sa kasalukuyan, at habang tumitindi ang paghamak at pagkasuklam ko sa kanya, lalo kong kinaiinipan na mawasak ko ang kanyang dangal. Wala nang mas aangkop pa sa mga layuning ito kundi patayin ang asawang ipinangangalandakan niyang mahal niya, at makuha ang kanyang pagsang-ayon mula sa kanyang pagpapatumpik-tumpik. Kaya tulad sa isang lalaking binabangungot, nakapanaig ako sa kanya na maisakatuparan naming dalawa ang pagpatay na hindi ko gusto. Kung iyan ay hindi sapat para ipaliwanag ang aking motibo sa pagmumungkahing patayin si Wataru, wala nang paliwanag na dapat tangkain, maliban sa isang kapangyarihang banyaga sa mga mortal (marahil ay demonyo o diyablo) ang nagtataboy sa akin sa makasalanang daan. Nagpupumilit at paulit-ulit na ibinulong ko ang ganoo’t ganoon ding bagay sa tainga niya.
Sa huli’y nag-angat siya ng mukha at sinabi, “Oo, dapat mo ngang patayin si Wataru.” Hindi lamang ako nasorpresa sa biglang pagsang-ayon niya, kundi nakakita ako ng mahiwagang kinang sa kanyang mga mata na hindi ko napansin noon. Taksil na babae-iyon ang naging tingin ko sa kanya. Gumuhit sa nag-iinit na utak ko ang iglap na pagkabigo at paghihilakbot- at oo, pagkasuklam. Kung maaaari lang ay babawiin ko ang pangako ko noon din. Sa gayo’y mapangangalanan ko siyang mang-aapid, at ang aking kunsensiya’y makapagkakanlong sa makatwirang pagngingitngit. Pero hindi ko nagawa. Inaamin ko agad kong nakita na imposible iyon sa saglit na bigla siyang tumitig sa akin. Nagbago na ang kanyang anyo, na para bang nakita niya ang laman ng aking puso. Nahulog ako sa malungkot na kalagayanng pakikipagtipan para paslangin ang kanyang asawa dahil sa takot ko na paghigantihan niya ako kapag nabigo akong tuparin ang aking bahagi ko sa usapan. Ngayon, ang takot na ito’y mahigpit at matatag na dumaklot sa akin. Magtawa kayo kung ibig ninyo, sa aking karuwagan. Ito ang gawa ng isang hindi nakaaalam kung gaano kahamak ang kanyang kalaguyo. “Kapag hindi ko pinatay ang kanyang asawa, papatayin niya ako sa kahit na anong paraan. Kailangan kong patayin ang kanyang asawa at kung hindi’y papatayin niya ako,” desperadong naisip ko, sa pagkakatingin ko sa kanyang walang luha pero umiiyak na mga mata. Pagkatapos kong bitiwan ang aking pangako, hindi ba may nasilip akong ngiti sa kanyang bibig at biloy na gumuhit sa kanyang maputlang pisngi? Ay, dahil sa kasumpa-sumpang pangakong ito, idadagdag ko ang krimen na buktot na pagpaslang sa pinakamaitin na pusong maaaring maisip. Kung tatalikuran ko ang nakatakdang pakikipagtipan na magaganap ngayong gabi…. Hindi, ipinagbabawal iyon ng aking pangako. Lagpas ito kaya kong batahin. Isa pa, natatakot ako sa kanyang paghihiganti. Totoong-totoo ito. Pero may iba pang nag-uudyok sa akin na gawin iyon. Ano ito? Ano ang malaking kapangyarihang iyon na nagbubunsod sa akin, sa duwag na “ako,” para patayin ang isang inosenteng lalaki? Hindi ko masasabi. Hindi ko masasabi. Pero posibleng… Hindi, hindi maaari. Pinandidirihan ko siya. Kinatatakutan ko siya. Kinasusuklaman ko siya. Pero gayunpaman, maaari ring dahil mahal ko siya.
Si Morito, na patuloy sa paglalakad, ay hindi na nagsalita pa. Ang pag-awit ng isang balada ay pumailanlang sa gabi.
Ang isipan ng tao ay nasa dilim, walang ilaw na makapagbigay-liwanag. Nagsisindi ito ng apoy ng makamundong paghahangad, upang humayo at lumitaw, sa loob lang ng isang iglap.
IKALAWANG BAHAGI: MONOLOGO NI KESA
Gabi, sa ilalim ng isang lampara, naka-tayo si Kesa, nakatalikod sa ilawan, nag-iisip nang malalim at kagat-kagat ang manggas ng kanyang kimono.
Darating ba siya o hindi, ewan ko. Imposibleng hindi. Lumulubog na ang buwan, pero walang marinig kahit isang yabag, kaya maaaring nagbago ang isip niya. Kapag hindi siya dumating… Araw-araw akong mabubuhay sa kahihiyan, tulad sa isang puta. Paano ako nalubog sa kahihiyan at kasamaan. Mawawalan ako ng dangal at tatapak-tapakan na lang, sa pagkakabilad ng kahihiyan ko. Gayunma’y kakailanganin kong manahimik na parang pipi. Kapag nagkagayon ay dadalhin ko hanggang kabila ng libingan ang aking pagsisisi. Sigurado akong darating siya. Mula noong nakaraang araw, iyon na ang aking pananalig. Natatakot siya sa akin. Kinasusuklaman niya ako’t pinandidirihan, gayunpama’y natatakot siya sa akin. Talaga, kung ang aasahan ko lang ay ang sarili ko, hindi ako makasisiguro sa kanya.Pero umaasa ako sa kanya. Umaasa ako sa kanyang pagkamasarili. Umaasa ako sa buktot na takot na pinipukaw ng pagkamakasarili sa kanya.
Pero ngayong hindi ko na magawang umasa sa sarili ko, napakahamak ko nang nilalang! Hanggang noong tatlong taon na ang nakararaan ay may tiwala ako sa akong sarili, at higit sa lahat, sa aking kagandahan. Mas matapat kung sasabihin nating “hanggang noong araw na iyon” kaysa “noong tatlong taon na nakararaan”. Noong araw na iyong makita ko siya sa silid ng bahay ng aking tiya, isang sulyap sa kanyang mga mata at nakita ko ang aking kapangitan na nasasalamin sa kaniyang isip. Kinausap niya ako nang masuyo at mapagmahal, na akala mo’y walang problema. Pero paano pa maaaliw ang puso ng isang babae sa sandaling matuklasan niya ang kapangitan ng kanyang pagkatao? Nagimbal ako, nayanig, nagdalamhati. Di-hamak na mabuti pa ang nakasisindak na pagkabalisang dala ng paglalaho ng buwan na nakita ko sa aking kamusmusan sa mga bisig ng aking tagpag-alaga, kung ihahambing sa malamultong pagkalunos na nagpakulimlim sa isipan ko nang mga sandaling iyon. Naglahong lahat ng pangarap at pangitain sa aking puso. Ang kalungkutan ng isang maunos na madaling-araw ay tahimik na bumalot sa akin. Ngatal sa kalungkutan, sa huli ay isinuko ko ang aking katawan, na para na ring patay, sa mga bisig ng lalaking hindi ko iniibig – sa mga bisig ng isang makamundong lalaki na nasusuklam at nandidiri sa akin. Hindi ko na ba makakaya ang aking kalungkutan mula nang buong linaw na maipamukha sa akin ang aking kapangitan? Sinikap ko bang mailibing ang lahat sa hibang na sandaling iyon na sumubsob ako sa kanyang dibdib? O itinutulak din ako ng kahiya-hiyang paghahangad lang na gay rin niya? Maisip ko lang iyon ay nilulukob na ako ng kahihiyan! Kahihiyan! Kahihiyan! Lalo na noong ilayo ko na ang aking sarili sa kanyang mga bisig, hiyang-hiya ako.
Ang pagka-inis at kalungkutan ay naghatid ng walang katapusang luha sa aking mga mata sa kabila ng pagsisikap ko na huwag umiyak. Hindi lamang ako nagdadalamhati sapagkat nawalan ako ng dangal, higit sa lahat ay nahihirapan ako’t nagdurusa dahil ako’y pinadidirihang tulad sa isang asong ketongin na kinasusuklaman at pinarurusahan. Ano ang aking nagawa mula noon? Ang meron lang ako’y ang pinakamalabong ala-ala niyon na para bang isa iyong bagay sa malayong nakalipas. Natatandaan ko lang ang kanyang mahabang tinig na bumubulong, “Patayin natin si Wataru,” at dumampi sa aking tainga ang kanyang bigote habang ako’y humihikbi. Pagkarinig sa mga salitang ito, kakatwang nakadama ako ng sigla. Oo, sumigla ako’t lumiwanag na tulad ng sinag ng buwan, kung ang sinag ng buwan ay matatawag na maliwanag. Bakit hindi, hindi ba ako inaliw ng mga salitang ito? Ay, hindi ba ako – hindi ba ang isang babae’y isang nilalang na nakadarama ng kaligayahan sa pag-ibig ng isang lalaki sukdulang patayin niya ang sarili niyang asawa?
Nagpatuloy ako sa pagluha sa loob nang may malungkot at masiglang pakiramdam na tulad sa sinag ng buwan. Kailan ako nangakong makipagtulungan sa pagpaslang sa aking asawa?
Noon lamang pumasok sa isip ko ang aking asawa. Matapat kong sinasabing “noon lang”. Hanggang sa mga oras na iyon, ang isip ko’y buung-buong nakatuon sa aking sarili at sa aking kahihiyan. Pagkaraa’y nakita ko ang larawan ng nakangiting mukha ng aking asawa. Malamang na nang sandaling maalala ko ang kanyang mukha, gumuhit sa isip ko ang plano. Nang mga sandaling iyon ay disidido na akong mamatay, at ikinagagalak ko ang aking desisyon. Pero nang huminto na ako sa pag-iyak, nang magtaas ako ng mukha, at tumingala sa kanyang mukha para matagpuan ang kapangitan kong nasasalamin doon, dama ko’y naglahong lahat ang aking kaligayahan. Ipinagunita nito sa akin ang kadiliman ng paglalaho ng buwan na nakita ko kasama ang aking tagapag-alaga. Iyon, tulad ng nangyari, ay iglap na nagpalaya sa lahat ng masamang ispiritung nagtatago sa ilalim ng aking kaligayahan. Dahil nga ba sa pagmamahal ko sa aking asawa kaya mamamatay ako para sa kanya? Hindi, kundi dahil lang sa resonableng pangangatuwirang ito, ibig kong pagbayaran ang pagkakasala kong pakikipagtalik sa iba. Dahil walang tapang na magpakamatay, nasa akin ang buktot na hangaring makapag-iwan ng magandang impresyon sa mga tao. Ang kabuktutan kong ito ay maaari na rin sigurong palampasin. Sa ilalim ng pagkukunwaring mamamatay ako sa aking asawa, hindi ba ako nagpaplanong ipaghiganti ang aking sarili laban sa pagkamuhi sa akin ng aking kalaguyo, sa kanyang pandidiri sa akin, sa kanyang buhong na pagnanasa? Pinatutunayan ito ng isang sulyap sa kanyang mukha na pumawi ng mahiwagang kislap na tulad sa mapulang liwanag ng buwan, at nagpalamig sa aking
puso sa matinding pagdadalamhati. Mamamatay ako, hindi para sa aking asawa kundi para sa aking sarili. Mamamatay ako, para parusahan ang aking kalaguyo sa pananakit niya sa aking puso at para sa aking hinanakit sa pagdungis niya sa aking katawan. Ay, hindi lang ako walang karapatang mabuhay kundi wala ring karapatang mamatay.
Pero ngayon, gaano kainam pang mamatay na lang kahit sa pinakakahiya-hiyang paraan, kaysa mabuhay. Nakangiti nang pilit, paulit-ulit kong ipinangako na papatayin namin ang aking asawa. Dahil matalas ang pakiramdam niya, marahil ay natunugan niya sa mga salita ko kung ano ang mangyayari kapag hindi niya tinupad ang kanyang pangako. Kaya mukhang imposible na pagkatapos niyang mangako ng ganoon ay aatrasan niya iyon. Tunog ba iyon ng hangin? Kapag naiisip ko na ang mga dinaramdam ko mula noong araw na iyon ay matatapos na sa wakas ngayong gabi, nakakahinga ako. Tiyak na ang bukas ay maghuhunos ng kanyang malamig na liwanag sa aking katawang walang ulo. Kapag nakita iyon ng aking asawa, siya’y… hindi, hindi ko siya naiisip. Mahala ko ng aking asawa. Pero wala akong lakas na gantihan ang kanyang pag-ibig. Isang lalaki lang ang maaari kong mahalin. At ang lalaki iyon ay darating ngayong gabi para patayin ako. Kahit ang gaserang ito’y napakaliwanag para sa akin, akong pinahihirapan ng aking mangingibig.
Hinipan ni Kesa ang ilawan. Hindi nagtagal at narinig ang mahinang tunog ng isang nabuksang kandado, at bumaha sa loob ang maputlang sinag ng buwan.
0 comments:
Post a Comment